Alam niyo bang ayaw kong mag-aral dito sa Maynila? Mga magulang ko ang may desisyon nito kaya nandito ako ngayon. Gusto nila na kaming tatlong magkakapatid (2 kuya ko at ako) ay magkakasama dito habang nag-aaral sa kolehiyo. Gustuhin ko man sa Laguna na lang sana ay hindi rin ako pinayagan. Sinubukan kong sabihin sa mama ko ang tungkol dito pero hindi ko siya nakumbinsi at nauwi lang ang usapan sa pagtatalo. Hindi na nga ako pinayagan, napagalitan pa. Umiral na naman daw ang katigasan ng ulo ko. Simula noon hindi na ko nakipagtalo pa. Wala kong nagawa kundi sundin ang gusto nila. Ayoko sana dito. Ayoko talaga! Hindi ko naman hinangad na pumasok sa Maynila lalo namang hindi ko kailangang makipagsabayan sa talino ng iba o kilalanin na tulad ni Pilosopo Tacio. Simple lang naman ang gusto ko - ang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng marangal na trabaho na kasama ang mga mahal ko.
Eh kung umuwi na lang kaya ako? Marami namang paaralan sa Laguna. Makakasama ko pa ang pamilya ko. Makikita ko na rin ang mga kaibigan ko na ilang taon ko naring hindi nakikita. Dalawang taon na pala akong hindi nakakauwi ng Magdalena, ang bayang sinilangan ko. Umuwi man kasi ako ng Laguna ay hanggang Sta. Rosa lang. Minsan hindi ko pa magawang umuwi sa dami ng dapat kong gawin na hindi ko maiwan. Wala namn akong kapangyarihan pero ang laki ng gampaning dapat gampanan. Ang daming responsibilidad, sa dami, hindi ko na alam kung anung uunahing gawin. Idagdag mo pa ang mataas na inaasahan nila sa akin na dapat kong abutin. Sa sobrang taas hindi ko na maabot.
Sana nga matalino ako tulad ng inaakala ng nila. Sana nga kaya kong gawin ang lahat tulad ng lagi kong naririnig na sinasabi nila na " kaya mo 'yan, kaw pa!". Sana nga ganun lang kasimple ang buhay. Sana nga. Pero tao lang ako may kahinaan din. Nagkakamali, nasasaktan, umiiyak at nahihirapan hindi lang kapansin-pansin.
Nakakapagod. Hindi sa pagrereklamo pero 'yan ang totoo. Nahihirapan na ko. Kung may kakayahan man akong gawin ang ilang bagay hindi ibig sabihin na kaya ko ng pasanin ang buong mundo. Gusto ng magpahinga. Gusto ko ng umuwi. Kung nasa amin lang sana ako hindi ako mahihirapan ng ganito.
0 comments:
Post a Comment